Monday, October 18, 2004

new acquisitions

Lemme post in Tagalog okay?

Nahiya naman daw ako kay Kat kaya mag-post lang ako kahit onti...

Nagsisulputang parang mga kabute ang mga lokal na comics sa mahal nating Comic Quest, Filbar's, Comic Central Headquarters, Comic Alley, at kung saan-saan pa diyan.

Eto ang aking mga bagong "acquisitions":

Culture Crash Comics 15 - finally. pagkatapos ng anim na buwan na pangungulit sa staffers, hawak ko na rin ang pinagpaguran nila ngayon. At nagustuhan ko naman ang bago nilang produkto. Astigin na ang Kubori Kikiam, hindi lang sila nagmumura, meron din pala silang malalim na kwento. At gumagaling na sa manga si Ryan Orozco, sana lang eh sa mga darating pang panahon ay magkaroon ng pagkakataon si Ryan na pag-eksperimentuhan ang pagsasanib ng impluwensiyang Western at Japan.

Cast 02 - tama ang hinala ko sa parteng nakuha ni Will sa kanilang dulaan. Nagiging mas consistent na ang art ng Ronin Core ngayon at hanga talaga ako sa script ni Jamie Bautista. Nakatutuwang basahin ang mga ibang kwento na sinulat at ginuhit mismo ni Elbert. Isa na si Elbert sa mga paborito kong dibuho at manunulat, kahanay na niya si Arnold Arre, Dean Alfar at Taga-Ilog para sa akin.

Yew Stupid Basturd! - ashcan ni Edgar Tadeo at Amie Landsborough (ayan! tama na. :p ). Ang galing talagang gumuhit ni Edgar at nakakaaliw basahin ang mga tagisan ng salita ni Edgar at Amie (na magkasintahan sa tunay na buhay) . At mapapautot kayo sa katatawa sa spoof ng Wasted (na gawa ni Gerry Alanguilan)... Kakaiba.

Mwahaha! 3 - nagbabalik ang mga magigiting na kartunista ng Pilipinas at ngayon ay pelikula naman ang naisipan nilang pagtawanan! Sa totoo lang, mas nakakatawa yung Mwahaha 2 pero kung kagaya ko kayo na laging stressed at nangangailangang maglabas ng natatagong kiliti paminsan-minsan, hindi kayo magkakamali sa pagbili nito.

MooMoo Hunters 1 - binili ko dahil sa title na nakakatuwa. Akalain mong isa pala itong komiks na pambata na sadya namang ikinatuwa ko dahil madalang na akong makakita ng komiks na gaya nito: pambata at pang-edukasyon. Tungkol ito sa dalawang bata na naging tagapagmana ng mga agimat na gamit laban sa masasamang elemento; dito sa unang issue, tinalo ng mga bida ang isang manananggal na nanggugulo sa bayan. Kapupulutan ng aral at kasihayan, garantisadong mainam para sa mga bata.

ano pa ba? May mabibili pa yatang Crest Hutt Butt Shop 3 ni Gerry Alanguilan sa Comic Quest. At makikita pa rin sa Comic Quest at Sarabia Optical sa UP ang mga bagong labas na Point Zero Comics, kasama na rito ang Cresci Prophecies 13 ni Joanah Tinio at pati na rin ang Ibangis ni Armand Roy Canlas.

At abangan ang Lastikman sa Disyembre na sinulat ni Gerry Alanguilan, ginuhit ni Arnold Arre at kinulayan ni Edgar Tadeo. Mula sa mga nababasa ko, sinasabing eto na raw ang pinakamagandang dibuho ni Arnold Arre... Astig.

woofy

No comments: